Tuesday, July 28, 2015

5 #MalingDiskarte Ng Mga OFWs Pagdating Sa Pera



Mabuhay Kabayan!

OFW ka rin ba na kagaya ko? Basahin mo ng buo ang artikulong ito. =D

Ang mga OFW ay tinaguriang “Buhay na Bayani” ng ating bayan dahil na rin sa malaking naiaambag nila pagdating sa paglago ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapadala nito ng pera sa kanilang pamilya.

Handa silang magsakripisyo na malayo sa mga mahal sa buhay mabigyan lamang ito ng matiwasay at masaganang bukas.

Ngunit, nakakalungkot lamang na marami tayong naririnig na hindi magandang balita patungkol sa mga kababayan nating OFW. Karamihan sa kanila ay umuuwing luhaan at hindi makita ang bunga ng kanilang pinagpaguran.

Dalawang dahilan ang nakikita ko kung bakit ganito ang nangyayari sa ating mga kababayan. Una, maaaring hindi tama ang paghawak ng perang ipinapadala nila sa kanilang pamilya. Pangalawa, maaaring ang mga OFW mismo ang may maling diskarte pagdating sa pag-gamit ng kanilang kinikita.

Kabayan, nais mo bang magretiro na ng maaga sa iyong trabaho sa ibang bansa at umuwi na sa sariling bayan at makapiling ang iyong pamilya?

Kung oo ang sagot mo, kailangan mong iwasan ang mga #MalingDiskarte ng ilang mga OFW pagdating sa paghawak ng kanilang perang pinaghirapan.

Ito ay ang mga sumusunod:

1.     #1DayMillionaire

May mga OFW na tinaguriang 1-Day Millionaire  o yung mga kababayan nating “Ubos-ubos biyaya bukas nakatunganga.”

Karamihan ng mga OFW ay nadadala ng kanilang emosyon o pagkasabik sa mga bagay na gusto nilang bilhin dahil alam nila sa kanilang sarili na “may kakayanan” na silang bilhin ito dahil 'di hamak na mas malaki ang kinikita nila sa ibang bansa.

Kaya ang nagiging resulta ay ang labis-labis na pag-gastos sa mga bagay na hindi naman talaga kinakailangan gaya ng pag-bili ng mga mamahaling gamit o pagkain sa mga sosyal na restawran.

Wala namang masama na minsan ay maranasan natin ang mga bagay na ito, ngunit ang nakaka-alarma lamang ay ang kawalan natin ng “kontrol” sa pag gasta ng ating kaperahan, na kung minsan ay dumadating pa sa puntong inuubos natin ang lahat ng ating pera at wala ng natitira para sa mga mas importanteng bagay gaya ng pag-iipon at pag-iinvest.

Tandaan mo kabayan, ang pag-a-abroad ay may katapusan. Ayaw mo naman sigurong maging OFW habambuhay, ‘di ba?

2.   #HariNgPadala

Tayong mga Pinoy ay likas na maalalahanin at mapag-bigay sa kapwa. Kaya naman ang mga kababayan nating mga OFW ay bitbit pa rin ang kaugaliang ito.

Ngunit minsan, tila nasosobrahan ang ating pagiging galante sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.

Minsan ay labis-labis na ang ating pinapadala, mapa-pera man o balikbayan boxes. Nakakalimutan na nating magtabi para sa ating sarili o mag-ipon, dahil sa kagustuhang makapagpadala ng malaking halaga sa pamilya.

Gusto nating ibigay ang lahat-lahat sa kanila. Gusto nating iparanas sa kanila ang buhay na pinapangarap nila.

Pero, teka! Paano ka naman, kabayan? Hindi ba’t may pangangailangan ka rin gaya nila? At alam mo rin, na darating ang oras na kailangan mo ng umuwi sa Pinas dahil hindi habambuhay ay kaya mong magtrabaho para sa kanila. Tatanda at mapapagod ka rin, kung wala kang ipon, paano na ang pamilyang umaasa sayo?

Kaya naman, napaka-importante talaga na maglaan ng iyong “Retirement Fund” at pag-ipunan ito upang sa panahon na ikaw ay magreretiro na bilang OFW, ay mayroon ka pa ring pang-suporta sa iyong sarili at mga mahal sa buhay.

3.   #SabaySaUso

Naalala mo pa ba nung bago ka pa lang sa trabaho mo? Malamang sa unang sweldo mo pa lang, ang binili mo na agad ay gadget, damit, sapatos at kung anu-ano pa, para lang makasabay ka sa uso.

Ano na lang ang sasabihin ng barkada mo kung napag-iiwanan ka na ‘di ba? Papayag ka bang tawagin ka nilang “poor”? =)

Minsan dahil sa kagustuhan nating makasabay sa uso, nakakalimutan na natin ang kahalagahan ng pag-iipon at pag-iinvest. Mas iniisip pa natin ang sasabihin ng ibang tao kaysa planuhin ang magandang bukas ng ating pamilya.

Payong kapatid lang ka-Noypi, huwag mong isipin ang sasabihin ng ibang tao tungkol sayo at sa estado mo sa buhay. Mag-ipon ka at mag-invest para hindi habambuhay ay nagtatrabaho ka sa ibang bansa at upang makapiling mo na ang iyong pamilya.

Tandaan mo, ang mga materyal na bagay ay naluluma at bumababa ang halaga sa paglipas ng panahon. Gaya na lamang ng mga gadget tulad ng smartphone na nagkakahalaga ng P30,000 at pagkalipas lamang  ng 3 hanggang 5 taon, nagkakahalaga na lamang ito ng P10,000 pababa. Ang pag-gasta sa mga bagay na ito ay talaga namang impraktikal.

Mamuhay ng simple at matutong makuntento pagdating sa mga materyal na bagay. Kung gumagana pa naman ang lumang Nokia 3210 mo at nasusuot mo pa naman ang damit o sapatos mo, bakit kailangang bumili ng bago?

4.   #BaonSaUtang

Karamihan ng mga OFW, bago pa umalis ng bansa ay may naiwan ng mga utang na ginamit sa pang-apply ng trabaho at pambayad ng placement fee sa agency.  

Ngunit bago pa man nag-apply ng trabaho ay baon na sa utang ang ilan nating mga kababayan at ang tanging naiisip nila na makakasalba ng kanilang problema ay ang mag-trabaho sa ibang bansa at kumita ng mas malaking halaga.

Ngunit ang masaklap nito, pagdating ng ibang bansa ay agad nag-loan sa banko o sa kumpanya upang gamiting pang-gastos sa loob ng isang buwan habang naghihintay ng unang sweldo. At kapag may mga bankong nag-o-offer ng credit card, hindi magawang tanggihan ni kabayan ang tuksong hatid nito.

At pagkatanggap ng sweldo, imbes na bayaran ang pagkakautang, mas inuuna pa ng ilang OFWs ang pagbili ng mga hindi importanteng bagay para sa sarili.

Ang resulta? Baon sa utang!

Hindi masama na umutang para masuportahan ang ating pangangailangan sa pananatili natin sa ibang bansa, ngunit ang maling diskarte ay ang hindi agad na pagbabayad sa mga pinagkakautangan bagkus ay nagdadagdag pa ng panibagong utang ang ilan nating mga kababayan na lalong nagpapabaon sa kumunoy ng kahirapan.

5.    #WalangSavings

Bago umalis ng bansa ang ating mga kababayan, positibo ang kanilang pananaw sa buhay. Maraming mga pangarap na nais matupad. Magkaroon ng sariling bahay, mapag-aral ang mga anak sa magandang eskwelahan, makapag-ipon ng malaking halaga para sa pangarap na negosyo o magkaroon ng marangyang buhay sa kanyang muling pagbabalik sa lupang sinilangan.

Ngunit nang magsimula ng magtrabaho sa dayuhang bayan, tila naglalaho o nakakalimot ang ilang mga OFW at kanilang pamilya sa kanilang mga pangarap. Nang maranasang kumita ng malaki sa ibang bansa, ang kanilang nasa isip ay kung paano ito gagastusin imbes na ito ay ipunin at i-invest sa mga investments na lalo pang magpapalago ng kanilang kaperahan paglipas ng panahon.

Ayos lang na bumili ka ng mga bagay na gusto mo at makakapag-pasaya sayo, nguit huwag mo lamang kalimutan ang dahilan kung bakit ka nangibang-bayan. ‘Yan ay ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilyang naiwan, upang sa iyong muling pagbabalik-bayan ay maramdaman mo ang bunga ng iyong pinaghirapan (Wow, nag-rhyme.ha-ha).

Para matupad ang lahat ng ito, matutong mag-ipon at ilagak ang iyong pera sa mga instrumento na lalong magpapalago ng iyong savings. Sikapin mong alamin o aralin ang ibat-ibang paraan ng pagpapalago ng pera mong pinaghirapan.
***

Kung gusto mong matapos na ang paghihirap mo na malayo sa pamilya at magkaroon ng marangyang buhay pag-uwi mo sa Pinas sa iyong pagreretiro, Maglaan ng ilang bahagi ng iyong sweldo sa mga investments gaya ng stocks, mutual funds, bonds, UITF, real estate, negosyo at marami pang iba.

Ito ang mga uri ng investments na makakapagpalago ng ating pera pagkalipas ng ilang taon.

Nakakalungkot lang isipin na iilan lang sa mga kababayan natin ang nag-iinvest. Sa katunayan, mula sa bagong survey na ginawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas(BSP), lumalabas na 6.8% lamang ng mga OFW ang naglalaan ng kanilang pera sa mga nabanggit na mga investment instruments.

Kaya naman ang layunin ng blog na ito ay imulat ang ating mga kababayan sa larangan ng investment at matutunan ang tamang paraan ng paghawak ng ating perang pinagpaguran upang hindi mabalewala ang paghihirap natin sa ibang bayan.

Ikaw ka-Noypi, Ano pa sa tingin mo ang mga maling diskarte ng ilan nating kababayang OFW pagdating sa pera na dapat baguhin?

Mag-iwan ng iyong komento o opinyon sa ibaba.


Mag-subscribe sa Dizkarteng Noypi blog

Nagustuhan mo ba ang artikulo natin ngayong araw? Mag-subscribe sa Dizkarteng Noypi para makatanggap sa iyong email ng mga bagong artikulo na makakatulong sa paglago ng iyong buhay-pinansyal.


To subscribe, CLICK HERE



Read Also:

(Photo Source:  TaxCredits.Net)




***
P.S.1  Join Dizkarteng Noypi's private email list & receive latest investing articles & inspiring stories directly to your email. SUBSCRIBE NOW!  

P.S.2  Attend FREE Financial Literacy Seminar & 1-on-1 Coaching to be conducted by IMG-Truly Rich Maker team led by Bro. Bo Sanchez! to register, sign up HERE.    

P.S.3  Do you want to Gain Financial Wealth & Spiritual Abundance at the Same Time?  Join Us at the TrulyRich Club! I joined the TrulyRich Club. It was one of the best   decisions of my life. Founded by Bo Sanchez, its purpose is to "help good people   become rich".

Because of the guidance I get from the Club, through Stocks Update, I'm now investing in the Stock Market each month!  I'm inviting you to join the club too. If you're interested, visit the TrulyRich Club now! at www.TrulyRichClub.com

Madiskarte ka ba? Subscribe na!!!

Follow Us!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger... popuparchitect.com