Welcome Tambayers!
Lagi nating sinasabi sa ating mga readers na kung nais natin ng pagbabago, kailangan lang din nating gumawa ng bago. Mga bagong bagay o gawain na magpapabago sa estado ng ating buhay.
Kung hirap ka sa buhay ngayon, gumawa ka ng aksyon na magaahon sayo sa kahirapan.
Kung kulang ang iyong sweldo sa pang-araw araw na gastusin, gumawa ng paraan upang madagdagan ang iyong kinikita.
Kung kulang ang iyong kaalaman ukol sa usaping pinansyal, magbasa ng mga libro, bumisita sa mga blog sites o dumalo sa mga seminar ukol dito.
Ang kapalaran natin ay nasa ating mga kamay. Kung anuman ang nangyayari sa atin ngayon, yan ay resulta lamang ng mga bagay na ginawa natin kahapon. Kaya kung nais natin ng magandang bukas para sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay, marapat lang na gumawa tayo ng aksyon na makakapagpaganda ng ating kinabukasan.
Kung patuloy lamang nating gagawin ang palagi nating ginagawa, malamang ay paulit ulit lang din ang mangyayari sa atin. Kung di ka pa rin gagawa ng aksyon, di ka pa rin makakaalis sa kinalalagyan mo ngayon. Ika nga ni Albert Einstein, “Insanity is doing the same thing over and over again and expecting different results.”
Narito ang ilang mga tips na makakatulong sa atin para maisaayos ang ating buhay-pinansyal.
1.) Mamuhay ng simple.
Iwasan ang “Fiesta” mentality. Hindi porke maraming handa ang kapitbahay mo, eh maghahanda ka na rin ng bongga?! Ika nga sa kanta” Simpleng buhay ay kayganda…” Huwag mamuhay ng magarbo kung hindi naman kaya ng bulsa.Unahin ang mga bagay na Kailangan (Needs) kaysa sa mga mga bagay na gusto mo lang (Wants).
2.) Planuhin ang iyong pananalapi.
Magplano! Ito ang pinakamabisang paraan kung nais mo ng magandang buhay sa kasalukuyan at sa kinabukasan. Matutong mag-budget, magimpok at mag-invest. Pagkatanggap ng sweldo, unahing bayaran ang sarili sa pamamagitan ng pag-iipon at pagiinvest bago pa man ang anumang gastusin. Sabi nga ng mga financial experts, “Pay yourself first”.
3.) Huwag gumastos ng higit sa kinikita.
Ito ang bagay na madalas nating nakakalimutan o ipinagsasawalang-bahala. Hindi tayo dapat gumastos ng higit pa sa ating kinikita, dahil “Utang” ang kalalabasan nito. Naalala mo pa ba ang kwento ng tsinoy businessman?(kung hindi pa, basahin mo dito). Dapat na “kumukurot” lamang tayo kapag gumagastos at hindi “dumadakot” at lalong hindi “umuutang” para lang ipambili ng mga bagay na hindi naman talaga kailangan.